![]() |
Cover sa Wattpad :) |
Sa mga oras na ito, nakaupo ako sa
isang sementadong hugis bilog na pinagtamnan ng puno ng mangga habang nag-iisip
at nagmumuni-muni sa aking nakaraan.
“Lucas?” nawala ako sa aking ulirat
ng marinig ko ang isang pamilyar na boses at ng makita ko ang isang pamilyar na
mukha.
“Mikael?” patanong kong tugon ng
makita ko ang dati kong kaibigan kasama ang isang babaeng naging parte ng aking
buhay, “Kaytagal na nang huli kitang nakita, ang tikas mo na at mukhang
masayang-masaya ka ngayon ah?”
“Ahahaha! Oo naman masayang masaya
ako noh. Ito pala sa Shanaia, asawa ko, yung dati mong classmate.”
“Oo nga natatandaan ko siya,” sagot
ko ng halong may pagkakagulo sa isipan.
Niyaya ako ni Mikael na sa kanila na
maghapunan. Tumungo na lamang ako at ngumiti bilang senyales din ng aking
pagsang-ayon.
Habang kami ay naglalakad patungo sa
kanilang tahanan, hindi ko lubos maisip na ang aking matalik na kaibigan at
dati kong kasintahang pinagmalaki ko pa kay Mikael ay ngayon ay mag-asawa na.
Nakakabalisa, nakakaurat ang isang bagay na sumira sa aking mga ala-alang
iniisip pa lamang kanina.
Sa harap ng hapag kainan ay
napagtantuan ko pa ang hindi pa din nagbagong ugali ni Mikael, ang kanyang
ugali ng pagiging magiliw sa kaibigan at pagiging makwento, ngunit sa harap ng
hapag-kainan alam ko na siya na lamang ang naliligayahan sa mga kaganapang ito
sapagkat sa mata ni Shanaia nakikita ko ang pagkailang sa mga oras na ito.
Bagamat sa kabila ng ilangan na
nagaganap sa aming tatlo, ay napag-usapan pa din namin ang aming kabataan ni
Mikael, ang mga nangyari sa akin sa ibang bansa, ang mga nangyari sa kaniya
habang wala ako, at kung paano sila nagkatuluyan.
Tumingin ako sa orasang nakakabit sa
dingding ng kanilang mumunting tahanan. Alas-otso na nang gabi at kailangan ko
na din umuwi. Ako ay nagpaalam na sa kanila kasabay ng pagpaalam sa mga
ala-alang kailanman ay hindi ko kinalimutan.
Nang gabi din na iyon, habang ako ay
nakahiga sa aking makitid na kamang naluma nang panahon ay biglang sumagi sa
aking isipan ang natatangi kong pag-ibig sa kanya. Ang pag-ibig na kailanman ay
hindi naalis sa aking puso sa loob ng lagpas dalawang dekada naming
pagkakakilala.
Sa batid kong iyon, ay bigla kong
naramdaman sa aking pisngi ang unti-unting pagdaloy ng mga mumunting mga patak
ng tubig na may dalang hinagpis at paghihinayang na sana ay hindi ko na lamang
siya iniwan at baka sa huli kami pa ang maging magkasama sa bawat araw na
dumaan at dadaan pa.
Ilang oras na din ang nagdaan ngunit
hindi pa din dumadalaw sa aking balintataw ang pagkaantok. Iba’t ibang
pagkakasala na ang pumaso sa aking ulirat kung paano ko mababawi ang dapat ay
sa akin. Ngunit isa lang ang tunay na kaya kong gawin – ang maging isang kerido
muna.
Hinirang na muli sa kalangitan ang
bagong pagsikat ng araw ng ako ay magising sa aking payak na silid-tulugan,
bumalot muli sa aking konsensya ang isang balak na dudungis sa aking dangal
bilang isang lalaki.
Agad-agad akong pumaroon sa kanilang
tirahan upang hanapin si Mikael dala ang bola upang gawing dahilan ang
paglalaro namin ng basketbol. Ngunit sa aking pagdating ang naabutan ko ay ang
babaeng naging parte din minsan ng aking pagkatao.
Nang mga oras din na ito, kami ay magkaharap
na ni Shanaia, alam kong lungkot ang kanyang nadadarama, at sa akin ay
hinagpis. Pinilit ko siyang kausapin kung mayroon pa ba siyang nararamdaman sa
akin ngunit hindi siya sumagot. Bagamat tumingin siya aking mga mata at aking
natatanaw ang bakas ng mga bahagyang luha na may kapanglawan gayundin sa
kanyang labi na nanginginig at pinipigilan ang paglabas ng bawat singhal. Nahihiya
ako sa nais kong gawin ngunit kailangan ko para makamit ko ang kasiyahang
artipisyal sa paningin ng karamihan.
Paunti-unting ang aking mukha ay
dumidikit na sa kanyang mukha at ang aming mga labi ay sadyang nagdampi sa
isa’t-isa. Muli kong nalalasap ang halik na may minsan ko din natikman, halik
na may habas ng pagkakamali.
Naganap ang hindi dapat mangyari sa
aming dalawa, isang umagang nagdulot ng init sa bawat katawan ng isa’t-isa.
Nakakalungkot ngunit sa aking isipan ay kailangan ko silang paghiwalayin dalawa
kahit ano pa man ang mangyari.
Ilang araw na din ang lumipas
katulad ng mga dahong dahan-dahang nahuhulog mula sa puno na kanilang
pinagsilangan, ay dahan-dahan din namin nasasanay ang aming mga sarili sa
kalagayang aming dalawa ay pinasok. Ramdam ko na ang aming relasyon ay nanatili
pa din lihim sa pagitan namin ni Shanaia.
Halos lagi akong naririto sa
kanilang tahanan at nakaramdam na ako ng pagiging parte ng kanilang payak na
pamilya kaparehas nang pag-alis ng aking hiya sa bawat imoralidad na aming
ginagawa ni Shanaia sa likod ng matalik kong kaibigan na si Mikael.
Nang gabing si Mikael ay hindi pa
umuuwi buhat sa kanyang trabaho, nakaupo kaming magkaharap sa hapag ng kanilang
tahanan at magkausap ng mataimtim tungkol sa kanila ni Mikael.
“Ayos pa naman kami, mukhang hindi
naman siya nakakahalata sa atin,” bigay tugon ni Shanaia ng may bakas nang
pagkaawa sa kanyang asawa.
“Ipagpatuloy lang natin yung dapat
ay sa atin.”
Tumayo ako ng kaunti mula sa aking
pagkakaupo sa mesa tsaka yumuko ako patungo sa mga labi ni Shanaia at ako ay
nagpaalam na.
Sa kalagitnaan ng maliliwanag na
ilaw ng mga posteng nakatayo at liwanag ng buwan sa ilalim ng kadiliman ng gabi
sa may Liwasang Bayan, nakita kong nakaupong umiinom, naninigarilyo at nag-iisa
si Mikael, nakatingin sa mga nagdaraanang mga behikulo sa kalsada. Nakaramdam
ako ng awa sa kanya, nakaramdam ako ng kahuwadan sa aming matagal na
pagkakaibigan.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin
ko. Hindi ko alam kung may mukha pa din ba akong maihaharap sa kanya. Tatawagin
ko ba siya? Ang tanong ko sa aking sarili.
Hindi naglaon, ang aking mga paa ay
hindi na napigilan pang umandar patungo sa kanya, ngunit sa aking paglapit,
nakita ko ang mga binurang kasiyahan sa kanyang mukha at pinintahan nang dawis
sa kawalan ng pag-iimbot sa kanyang sinisinta. Pumipintig ang aking puso
kasabay ng mga hanging iniluluwas sa kanyang bibig, dama ko ang mga luhang
nagmamarka nang asul na kulay sa damdamin ng mga taong nakakaalam.
Nakatayo ako sa kanyang gilid na
nakatingin sa kanya, nais kong hawakan ang kanyang balikat at tawagin ang
kanyang pangalan ngunit ako ay napigilan nang bigla siyang nagsalita.
“Bakit ganito?” tumingin siya sa akin ng buong
katapangang ipakita ang kanyang kahinaan “Bakit ako naiinggit sa iyo?”
Hindi ako nakasagot, bagkus ay bumagsak
na lamang ang luha sa aking mga mata. Luha ng simpatya, pagpapahalaga at
pagmamahal. Pinilit kong sagutin ang kanyang tanong ng buong katapatan pero
hindi ko alam kung paano ko aaminin sa kanya.
“Wag ka ng sumagot,” sabay pawi sa
kanyang luha ng muli niyang ibalik ang tingin sa dagat ng sasakyang humaharurot
at paglagok sa likido ng alkohol.
Lumapit ako sa kanya ng walang
pasabi at tumabi sa kanyang inuupuan, biglang inagaw ko ang kanyang boteng hawak
at uminom ng kaunti. Sandaling katahimikan ang bumalot sa amin, habang inuubos
ang isang litro ng alak na salitan naming pinaghahatian.
Nagbago na ang dako ng buwan at mga
bituin sa langit ng napagdesisyunan na naming maghiwalay ng landas, nauna
siyang tumayo at nag-unat ng mga braso senyales na siya ay handa ng umalis sa
lugar na aming tambayan.
Nilapit niya ang mukha niya sa mukha
ko sabay nagpakita ng ngiti ng pasasalamat sa lunsuran ng kalungkutan.
Hinawakan niya ang aking pisngi sabay pawi sa mga luha na aking inialay para sa
aming pagkakaibigan at tuluyan na niya akong iniwang nag-iisa at nababagabag sa
banketa.
Sa kabila ng kabaitang pinapakita sa akin ni
Mikael, ay hindi pa rin nito na pigilan ang aking balak na pagpapahiwalay sa
kanilang dalawa. Sa paglipas nang mga linggo ng aking mas higit na pagsimbuyo sa
kanilang paghihiwalay ay utay-utay na ngang nagkakaroon ng tiyansa ng
paghihiwalay.
Lumapit ako kay Shanaia at aming
pinaghatian ang init ng kanyang damdamin, dumapyo ang aking labi sa kanyang
labi hanggang magpang-abot ako sa kanyang leeg. Dahan-dahan kaming humihiga
patungo sa kama sa loob ng silid-tulugan nilang mag-asawa. Nagtanggal ang bawat
isa ng kasuotan at nagpatuloy na kami sa paglalaro sa alab ng kanyang
kapusukan.
Tumutulo ang pawis sa aking likuran
at rumaragasa din ang mga pawis sa aking noo patungo sa aking mukha at leeg
kasabay ng pagkawala ng mga tunog ng mga pag-ungol naming dalawa at paggayod ng
kama sa kahoy na sahig maging sa sementadong pader ng kwarto.
Walang pakialam ang bawat isa sa
amin kahit ano pa man ang maganap sa oras na kami ay pag-abutan ni Mikael, o
kaya kung siya man ay magdalang-tao. Basta ang alam ko, ako ay masaya kung
mapapasa-akin ang hinahangad ko.
Natapos na ang aming ginawang kamaliang
nagsukli nang panandaliang kaligayahan. Tumayo ako habang pinupunasan ang
pawisan kong katawan at nagsuot na ng aking kasuotang pang-ibaba.
“Hindi na ako nakikipagtalik sa
kanya,” pagmamalaking tinuran ni Shanaia habang nakaupo sa katre at nababalutan
ng kumot ang kanyang buong katawan, “halos apat na buwan na.”
“Talaga?” paninigurado ko habang
isinusuot ko ang aking damit pang-itaas, “Edi masaya.”
Sa ilalim ng munting kahel na
bumbilya na nagbibigay nang mataimtim na liwanag sa madilim na silid ay muli ko
siyang nilapitan at hinalikan ng labas sa katotohan at sa gayon ako ay lumisan
na dala ang malaking kasiguraduhan ng kanilang pagdidiborsyo.
Bakas sa bawat yapak ng aking paa sa
mga latag ng aspalto patungo sa tawiran ang mga mapanlinlang na anino ng aking
ngiti na nagbibigay panibugho sa aking kinakalantari. Umilaw na ang luntiang
ilaw sa poste ng tamang bagtas na tila sumisigaw ng pagsulong sa mga ginagawa
kong kasiraan.
Napagtantuan ko na ang bawat tao na
naglalakad at tumitigil sa tabi ko, gayundin ang mga sasakyang patungong kanan
at kaliwa ay dahan-dahang tumitigil na parang segundong hindi lumilipas ay
dulot ng kanyang mga tingin mula sa kabilang parang ng daanan. Mga tingin na
walang depenisyon ngunit mga titig na may nais ipahiwatg sa akin.
Sa pagbukas nang pulang tinghoy sa
may dakong kanan sa itaas, hakbang-hakbang ang paggalaw ng mga biyas ni Mikael
patungo sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung paano o maiyayapak ang aking
mga paa sa landas patungo sa bahay, kung ang taong aking winawasak ay siyang
nasa aking harapan na.
“Uwi ka na? laro muna tayo ng
basketbol?” pagyaya ni Mikael sa akin.
Pagdampi ng mga paa ko sa
basketbolan ay biglang bumukas ang mga ilaw na tatanglaw sa kadilimang
sumasakop sa aking pagtingin. Nalilito pa din ako at nakukonsensyang ipakita
ang aking pagmumukha sa kanya. Habang ang aking gunita ay nananatili sa
kabanaagan katulad ng aking katawan na hindi makakilos.
Ako ay napaharap sa taong tumawag sa
aking pangalan – si Mikael, papalapit na tinatanggal ang kanyang kamiseta at
niyaya na niya akong maglaro ng basketbol.
Wala ni isa sa amin ang nais na
magpatalo sa aming laro, kanya-kanyang agaw ng bola sa bawat isang mga kamay, mga
padyak ng paa ang ginagawa sa isa’t-isa at tsaka sari-sariling hagis ng bola
upang makamit ang simpleng puntos na aming ikawawagi. Naubos na ang hangin na
aking hinihinga at pawis na aking inilalabas ngunit siya ay patuloy pa din na
lumalaban.
Napahiga na lamang ako sa gitna ng
pulang tintang guhit na bilog sa sahig ng palaruan at nananatiling nakatingin sa
kanyang huling pagtudla sa bola, napangiti na lamang ako at tinanggap ang
pagkatalo dulot na walang kupas niyang husay sa paglalaro.
Tumingala ako sa langit at tinignan
ang mga talang kumikinang nang bigla niyang tinabi ang hubad niyang katawan sa
akin, “Nakakatuwa ‘di ba?”
“Oo, matagal na din nung huli tayo
naglaro. Nakakamiss ka pala talaga.”
Sandaling katahimikan ang bumalot sa
aming dalawa, tanging tunog ng hangin na umiihip at mga sipol ng mga insekto
lamang ang nangingibabaw sa aming dalawa. Walang nais sundan ang huli kong
linya, walang nais sumira sa kapayapaang hatid ng katahimikan.
Sa paglipas nang ilang sandali ay
narinig ko ang mailang-ilang tunog na nagpaparinig ng kalungkutan at pagdurusa.
“Bakit ka ba bumalik?” tanong niya.
Isang tanong na alam ng aking isipan
ang kasagutan ngunit hindi batid ng aking bibig kung paano nararapat itong
bigyang pagtugon. Tumitig na lamang ako ng may maliit na agwa ng kirot at
dalamhati sa kanyang mukhang nakatingala sa buwan na natatakpan ng mga ulap
katulad ng pagkakaibigang natakpan na ng mga kulay na kailanman ay hindi ko
maipipinta.
Sabay sa ritmo ng kuliglig ang bawat
kumpas ng tibok ng aking puso sa kaba higit pa lalo ng biglang dumako ang
maamong niyang mukha paharap sa akin. Nagkasalubong ang aming mga mata na maski
isa ay walang nagnais umalis sa sandaling kumprontasyong ito.
“Alam kong hindi siya ang habol mo
sa iyong muling pagdating,” daing niya kontra sa lamikmik ng kalikasan, “huwag
mo na siyang idamay, mahal ko ang asawa ko yun lang ang masasabi ko.”
Lalong nag-ingay ang kimbot ng aking
damdamin sa aking mga narinig mula sa kanya, nalaglag ang aking panga sa
pagkabigla sa kanyang mga binitawang salita na gumiba sa aking nararamdaman.
Tumayo na siya mula sa kanyang
pakakahiga at dinampot ang kamiseta saka sinabit sa kanyang balikat at tuluyan
ng tumalikod papalayo sa aking kinalalagyan. Iniwan niya akong balisa at hindi
makapagsalita dahil sa tuluyang pagkasira ng aking mga hangarin sa buhay.
Nanatili pa din akong nakahiga nang
tuluyan ng namatay ang mga ilaw na sumisinag sa aking mga mata kamakailan
lamang ngunit nanatili pa din buo at puro sa aking balintataw ang mukha niyang
pinuno ng mga hinagpis at sakit dulot ng karimlang bumalot sa puso niyang tanaw
hanggang sa kalooban ng kanyang mga salita.
Nakatayo ako sa ibaba ng rumaragasang
agwa mula sa dutsa at aking namamalayan ang aking buhay na parang tubig na
dumadaloy sa aking katawan patungo sa kasilyas na walang patutunguhan kung
hindi ang karungisan katulad ng kanyang mga kahalitulad.
Tumingin ako bigla sa salamin habang
nakatungkod ang aking mga kamay sa lababo ng aking palikuran at nakita ko ang
isang lalaking may palatandaan ng pagiging baligho. Isang lalaking
nakikipagbakbakan sa isang huwad na pagmamahal na dulot ng desperasyon at
pagkamakasarili.
Tunay ngang tumatak sa aking isipan
ang mga binitawang salita ni Mikael, mga salitang hindi ko dapat idamay ang
taong wala namang kasalanan. Nababalisa ako at kinakabahan sa kung ano man ang
maaring mangyari. Naawa ako sa kanya, pero paano na lang ako?
Biglang lumabas ang aking luha
kasabay ng aking pagbukas sa gripo ng hugasan, hindi ko kinaya ang mga
konsensyang bumabalot sa aking isipan ngayon kaya ako ay bigla na lamang
bumagsak at tuluyan na lamang humagulgol sa pag-iyak kagaya ng nasasayang na
tubig mula sa gripong patuloy na tumutulo.
Ilang araw din akong hindi nagpakita
sa mag-asawa ngunit alam kong hindi pa din nila nakakaligtaan ang mga mga
ginagawa ko sa bawat isa sa kanila. Nakakulong lang ako dito sa aking silid at
umiiyak pa din at nababagabag kung dapat ko pa din pang ipagpatuloy ang
pagwasak sa kanilang simpleng pagmamahalan.
Sa katahimikan ng aking pagsasarili,
ay naririnig ko ang mga yapak ng paa na patungo sa aking silid ngunit wala
akong pakialam. Bumukas ang pintuan at nagulat ako sa taong dumating, si
Shanaia.
Sabay sa tunog ng makina ng aking
bintilador, biglang niyang binungad sa akin ang mga salitang, “Buntis ako,
Lucas. Anong gagawin natin?”
Nasira ang buo kong diwa kakabit ng
mabagal na pagbagsak ng bote ng alak sa sahig ng aking silid, hindi na ako
nagsalita. Umiyak na lamang ako sa kanyang harapan at nagsisi.
“Huwag mo akong iyakan, Lucas,”
nanginig na paghihinging tugon sa akin ni Shanaia, “hindi pwedeng malaman ito
ni Mikael, kasi baog siya. Baog siya Lucas, naiinitindihan mo ba ‘yun?”
“Wala akong pakialam, patawarin mo
ko kung nasira ko ang relasyon niyo,” sambit ko habang buong dusa akong
nakatingin sa kanya, “napakasama ng ugali kong gamitin ka para sa pansarili
kong kapakanan na kung tutusin hindi ka naman kasali talaga.”
Makikita sa kanyang mukha ang kulay
ng pagkabigla. Parehas na lamang kaming umiyak at nagdusa sa aking tirahan. Magkalayo
man ang agwat naming dalawa sa loob ng aking silid ngunit walang kahit anong
pagitan ang pagkakasalang buhat sa aking pag-iimbot.
Umabot na sa dapit-hapon nang wala
ni isa man sa amin ang nakaisip ng paraan kung paano lulusutan ang aming
ginawang pagkakasala. Hinatid ko na siya sa labas ng aking bahay ngunit nabigla
na lamang kami ng makita ko si Mikael na nakatayo sa tapat ng tarangkahan.
Wala ni isa ang sumubok magbukas ng
bibig at magsalita ng kahit ano. Napuno na lamang ng katahimikan ang buong
paligid sa isang sandali ng aming pagtititigan ni Mikael, katahimikang
nakakabingi, katahimikang walang halong kahulugan sa kahit sino pa man sa amin.
Lumipas na ang mga madaming segundo ng walang pagbabago sa nakalipas na saglit
ng dalisay na titigan. Napakasit. Napakahapdi. Mga tinging may bahid ng galit
at pighati na sumusugat sa aking puso at kaluluwa.
Nauna akong umiwas ng tingin na
marahil senyales ng paghingi ng kapatawaran sa taong napakahalaga sa akin na
higit pa sa aking sariling buhay. Tuluyan pang muli lumabas ng mga natitira ko
pang luha kasabay ng paglabas ni Shanaia sa tarangkahan at ni Mikael sa aking
buhay.
Muli akong nagkulong sa aking kwarto
hanggang umabot ang dako ng buwan sa kanyang tunay na trono sa kalangitan.
Mag-isa akong nagdurusa, mag-isa akong nasasaktan.
Ngayong gabi sa gitna ng malamig na
buga ng bintilador at wagayway ng kurtinang dilaw, namamataan ko ang Liwasang
Bayang nagpasimula sa mga motibasyon ko upang mabuhay ngunit mga gunitang
nagpasimula sa bagay na maghahatid sa aking katapusan.
Saksi ang buwan at mga talang
nakadungaw sa bintana ng kalangitan sa mga ginawa ko upang mapasa-akin ang
taong kailanman ay hinangad ko buong buhay dalawang dekada na ang nakakaraan.
Mga bagay na tetestigo sa walang hanggang pagsisinta ko sa kanya hanggang sa
aking huling hininga, ngunit sila din ang naging patunay sa katotohanang
kailanman ay hindi siya mapapasaakin.
Binuksan ko ang isang aparador sa
gilid ng aking kama at kinuha ang isang bagay na tatapos sa lahat ng aking
pagdurusa. Sapagkat alam ko na ilang saglit mula ngayon ay darating na ang
taong huhusga sa aking pagkakasala. Siyang nilalang na kakanta ng mga ritmo ng
awiting nilikha para sa mga taong makasalanan.
Maliliit na tunog ng yapak ang
bumabakas sa aking mga tainga at maitim na aninong sumasagi sa durungawan ng
aking silid patungo sa hagdanan ng aming tirahan, ramdam ko na ang presensya ng
benggansa mula sa kanya.
Naisin ko mang makita sa huling
pagkakataon ang kanyang mukha ngunit hindi ko maaaring hayaang siya ang
magbigay nang huling hatol sa aming dalawa. Kailanma’y hindi ako papayag na
dungisan niya ang kanyang sariling budhi ng tintura ng taong nagkasala dahil
lamang sa makasariling pagmamahal. Sa huling sandali, naririnig ko ang pagbukas
ng kandado ng aking pintuan.
Nakapikit akong ginugunita ang mga
huling sandaling madadama ko ang hangin na nagbigay sa akin ng taimtim na
pakiramdam at simula ngayon ay hindi ko na ididilat pa ang mga ito.
“Mahal kita,” bigkas ko sa malimit
na tinig na kaya ko, “isa, dalawa, tatlo.”
No comments:
Post a Comment