Sunday, February 23, 2014

Sinta Hanggang Dapit Hapon

Cover sa Wattpad :)
            Matagal ng panahon nang huli akong nakapasyal sa palitada ng Liwasang Bayan. Isang lugar na ganyak ng kariktan ng mga luntiang halaman at makukulay na bulaklak na pinasisigla ng malamig na hanging dumadampi sa aking balat na sadyang sinanay ng ginaw ng ibang bansa. Gayundin, kaysarap namnamin muli ng init na bigay ng sinag ng araw rito na nagdudulot ng karingalan at kataimtiman na nagpapanumbalik sa mga ala-ala ng isang batang naranasan ang tunay na halaga ng huwad na kasiyahan. Isang pook na nagpuno sa aking gunita ng mga panahong ako ay nasa kalagitnaan ng pagkagitla ng mga bagay na aking nais at bagay na nararapat ako ay maging.

            Sa mga oras na ito, nakaupo ako sa isang sementadong hugis bilog na pinagtamnan ng puno ng mangga habang nag-iisip at nagmumuni-muni sa aking nakaraan.

            “Lucas?” nawala ako sa aking ulirat ng marinig ko ang isang pamilyar na boses at ng makita ko ang isang pamilyar na mukha.

            “Mikael?” patanong kong tugon ng makita ko ang dati kong kaibigan kasama ang isang babaeng naging parte ng aking buhay, “Kaytagal na nang huli kitang nakita, ang tikas mo na at mukhang masayang-masaya ka ngayon ah?”

            “Ahahaha! Oo naman masayang masaya ako noh. Ito pala sa Shanaia, asawa ko, yung dati mong classmate.”

            “Oo nga natatandaan ko siya,” sagot ko ng halong may pagkakagulo sa isipan.

            Niyaya ako ni Mikael na sa kanila na maghapunan. Tumungo na lamang ako at ngumiti bilang senyales din ng aking pagsang-ayon.

            Habang kami ay naglalakad patungo sa kanilang tahanan, hindi ko lubos maisip na ang aking matalik na kaibigan at dati kong kasintahang pinagmalaki ko pa kay Mikael ay ngayon ay mag-asawa na. Nakakabalisa, nakakaurat ang isang bagay na sumira sa aking mga ala-alang iniisip pa lamang kanina.

            Sa harap ng hapag kainan ay napagtantuan ko pa ang hindi pa din nagbagong ugali ni Mikael, ang kanyang ugali ng pagiging magiliw sa kaibigan at pagiging makwento, ngunit sa harap ng hapag-kainan alam ko na siya na lamang ang naliligayahan sa mga kaganapang ito sapagkat sa mata ni Shanaia nakikita ko ang pagkailang sa mga oras na ito.

            Bagamat sa kabila ng ilangan na nagaganap sa aming tatlo, ay napag-usapan pa din namin ang aming kabataan ni Mikael, ang mga nangyari sa akin sa ibang bansa, ang mga nangyari sa kaniya habang wala ako, at kung paano sila nagkatuluyan.

            Tumingin ako sa orasang nakakabit sa dingding ng kanilang mumunting tahanan. Alas-otso na nang gabi at kailangan ko na din umuwi. Ako ay nagpaalam na sa kanila kasabay ng pagpaalam sa mga ala-alang kailanman ay hindi ko kinalimutan.

            Nang gabi din na iyon, habang ako ay nakahiga sa aking makitid na kamang naluma nang panahon ay biglang sumagi sa aking isipan ang natatangi kong pag-ibig sa kanya. Ang pag-ibig na kailanman ay hindi naalis sa aking puso sa loob ng lagpas dalawang dekada naming pagkakakilala.

            Sa batid kong iyon, ay bigla kong naramdaman sa aking pisngi ang unti-unting pagdaloy ng mga mumunting mga patak ng tubig na may dalang hinagpis at paghihinayang na sana ay hindi ko na lamang siya iniwan at baka sa huli kami pa ang maging magkasama sa bawat araw na dumaan at dadaan pa.

            Ilang oras na din ang nagdaan ngunit hindi pa din dumadalaw sa aking balintataw ang pagkaantok. Iba’t ibang pagkakasala na ang pumaso sa aking ulirat kung paano ko mababawi ang dapat ay sa akin. Ngunit isa lang ang tunay na kaya kong gawin – ang maging isang kerido muna.

            Hinirang na muli sa kalangitan ang bagong pagsikat ng araw ng ako ay magising sa aking payak na silid-tulugan, bumalot muli sa aking konsensya ang isang balak na dudungis sa aking dangal bilang isang lalaki.

            Agad-agad akong pumaroon sa kanilang tirahan upang hanapin si Mikael dala ang bola upang gawing dahilan ang paglalaro namin ng basketbol. Ngunit sa aking pagdating ang naabutan ko ay ang babaeng naging parte din minsan ng aking pagkatao.

            Nang mga oras din na ito, kami ay magkaharap na ni Shanaia, alam kong lungkot ang kanyang nadadarama, at sa akin ay hinagpis. Pinilit ko siyang kausapin kung mayroon pa ba siyang nararamdaman sa akin ngunit hindi siya sumagot. Bagamat tumingin siya aking mga mata at aking natatanaw ang bakas ng mga bahagyang luha na may kapanglawan gayundin sa kanyang labi na nanginginig at pinipigilan ang paglabas ng bawat singhal. Nahihiya ako sa nais kong gawin ngunit kailangan ko para makamit ko ang kasiyahang artipisyal sa paningin ng karamihan.

            Paunti-unting ang aking mukha ay dumidikit na sa kanyang mukha at ang aming mga labi ay sadyang nagdampi sa isa’t-isa. Muli kong nalalasap ang halik na may minsan ko din natikman, halik na may habas ng pagkakamali.

            Naganap ang hindi dapat mangyari sa aming dalawa, isang umagang nagdulot ng init sa bawat katawan ng isa’t-isa. Nakakalungkot ngunit sa aking isipan ay kailangan ko silang paghiwalayin dalawa kahit ano pa man ang mangyari.

            Ilang araw na din ang lumipas katulad ng mga dahong dahan-dahang nahuhulog mula sa puno na kanilang pinagsilangan, ay dahan-dahan din namin nasasanay ang aming mga sarili sa kalagayang aming dalawa ay pinasok. Ramdam ko na ang aming relasyon ay nanatili pa din lihim sa pagitan namin ni Shanaia.

            Halos lagi akong naririto sa kanilang tahanan at nakaramdam na ako ng pagiging parte ng kanilang payak na pamilya kaparehas nang pag-alis ng aking hiya sa bawat imoralidad na aming ginagawa ni Shanaia sa likod ng matalik kong kaibigan na si Mikael.

            Nang gabing si Mikael ay hindi pa umuuwi buhat sa kanyang trabaho, nakaupo kaming magkaharap sa hapag ng kanilang tahanan at magkausap ng mataimtim tungkol sa kanila ni Mikael.

            “Ayos pa naman kami, mukhang hindi naman siya nakakahalata sa atin,” bigay tugon ni Shanaia ng may bakas nang pagkaawa sa kanyang asawa.

            “Ipagpatuloy lang natin yung dapat ay sa atin.”

            Tumayo ako ng kaunti mula sa aking pagkakaupo sa mesa tsaka yumuko ako patungo sa mga labi ni Shanaia at ako ay nagpaalam na.

            Sa kalagitnaan ng maliliwanag na ilaw ng mga posteng nakatayo at liwanag ng buwan sa ilalim ng kadiliman ng gabi sa may Liwasang Bayan, nakita kong nakaupong umiinom, naninigarilyo at nag-iisa si Mikael, nakatingin sa mga nagdaraanang mga behikulo sa kalsada. Nakaramdam ako ng awa sa kanya, nakaramdam ako ng kahuwadan sa aming matagal na pagkakaibigan.

            Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam kung may mukha pa din ba akong maihaharap sa kanya. Tatawagin ko ba siya? Ang tanong ko sa aking sarili.

            Hindi naglaon, ang aking mga paa ay hindi na napigilan pang umandar patungo sa kanya, ngunit sa aking paglapit, nakita ko ang mga binurang kasiyahan sa kanyang mukha at pinintahan nang dawis sa kawalan ng pag-iimbot sa kanyang sinisinta. Pumipintig ang aking puso kasabay ng mga hanging iniluluwas sa kanyang bibig, dama ko ang mga luhang nagmamarka nang asul na kulay sa damdamin ng mga taong nakakaalam.

            Nakatayo ako sa kanyang gilid na nakatingin sa kanya, nais kong hawakan ang kanyang balikat at tawagin ang kanyang pangalan ngunit ako ay napigilan nang bigla siyang nagsalita.

             “Bakit ganito?” tumingin siya sa akin ng buong katapangang ipakita ang kanyang kahinaan “Bakit ako naiinggit sa iyo?”

            Hindi ako nakasagot, bagkus ay bumagsak na lamang ang luha sa aking mga mata. Luha ng simpatya, pagpapahalaga at pagmamahal. Pinilit kong sagutin ang kanyang tanong ng buong katapatan pero hindi ko alam kung paano ko aaminin sa kanya.

            “Wag ka ng sumagot,” sabay pawi sa kanyang luha ng muli niyang ibalik ang tingin sa dagat ng sasakyang humaharurot at paglagok sa likido ng alkohol.

            Lumapit ako sa kanya ng walang pasabi at tumabi sa kanyang inuupuan, biglang inagaw ko ang kanyang boteng hawak at uminom ng kaunti. Sandaling katahimikan ang bumalot sa amin, habang inuubos ang isang litro ng alak na salitan naming pinaghahatian.

            Nagbago na ang dako ng buwan at mga bituin sa langit ng napagdesisyunan na naming maghiwalay ng landas, nauna siyang tumayo at nag-unat ng mga braso senyales na siya ay handa ng umalis sa lugar na aming tambayan.

            Nilapit niya ang mukha niya sa mukha ko sabay nagpakita ng ngiti ng pasasalamat sa lunsuran ng kalungkutan. Hinawakan niya ang aking pisngi sabay pawi sa mga luha na aking inialay para sa aming pagkakaibigan at tuluyan na niya akong iniwang nag-iisa at nababagabag sa banketa.

             Sa kabila ng kabaitang pinapakita sa akin ni Mikael, ay hindi pa rin nito na pigilan ang aking balak na pagpapahiwalay sa kanilang dalawa. Sa paglipas nang mga linggo ng aking mas higit na pagsimbuyo sa kanilang paghihiwalay ay utay-utay na ngang nagkakaroon ng tiyansa ng paghihiwalay.

            Lumapit ako kay Shanaia at aming pinaghatian ang init ng kanyang damdamin, dumapyo ang aking labi sa kanyang labi hanggang magpang-abot ako sa kanyang leeg. Dahan-dahan kaming humihiga patungo sa kama sa loob ng silid-tulugan nilang mag-asawa. Nagtanggal ang bawat isa ng kasuotan at nagpatuloy na kami sa paglalaro sa alab ng kanyang kapusukan.

            Tumutulo ang pawis sa aking likuran at rumaragasa din ang mga pawis sa aking noo patungo sa aking mukha at leeg kasabay ng pagkawala ng mga tunog ng mga pag-ungol naming dalawa at paggayod ng kama sa kahoy na sahig maging sa sementadong pader ng kwarto.

            Walang pakialam ang bawat isa sa amin kahit ano pa man ang maganap sa oras na kami ay pag-abutan ni Mikael, o kaya kung siya man ay magdalang-tao. Basta ang alam ko, ako ay masaya kung mapapasa-akin ang hinahangad ko.

             Natapos na ang aming ginawang kamaliang nagsukli nang panandaliang kaligayahan. Tumayo ako habang pinupunasan ang pawisan kong katawan at nagsuot na ng aking kasuotang pang-ibaba.

            “Hindi na ako nakikipagtalik sa kanya,” pagmamalaking tinuran ni Shanaia habang nakaupo sa katre at nababalutan ng kumot ang kanyang buong katawan, “halos apat na buwan na.”

            “Talaga?” paninigurado ko habang isinusuot ko ang aking damit pang-itaas, “Edi masaya.”

            Sa ilalim ng munting kahel na bumbilya na nagbibigay nang mataimtim na liwanag sa madilim na silid ay muli ko siyang nilapitan at hinalikan ng labas sa katotohan at sa gayon ako ay lumisan na dala ang malaking kasiguraduhan ng kanilang pagdidiborsyo.

            Bakas sa bawat yapak ng aking paa sa mga latag ng aspalto patungo sa tawiran ang mga mapanlinlang na anino ng aking ngiti na nagbibigay panibugho sa aking kinakalantari. Umilaw na ang luntiang ilaw sa poste ng tamang bagtas na tila sumisigaw ng pagsulong sa mga ginagawa kong kasiraan.

            Napagtantuan ko na ang bawat tao na naglalakad at tumitigil sa tabi ko, gayundin ang mga sasakyang patungong kanan at kaliwa ay dahan-dahang tumitigil na parang segundong hindi lumilipas ay dulot ng kanyang mga tingin mula sa kabilang parang ng daanan. Mga tingin na walang depenisyon ngunit mga titig na may nais ipahiwatg sa akin.

            Sa pagbukas nang pulang tinghoy sa may dakong kanan sa itaas, hakbang-hakbang ang paggalaw ng mga biyas ni Mikael patungo sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung paano o maiyayapak ang aking mga paa sa landas patungo sa bahay, kung ang taong aking winawasak ay siyang nasa aking harapan na.

            “Uwi ka na? laro muna tayo ng basketbol?” pagyaya ni Mikael sa akin.

            Pagdampi ng mga paa ko sa basketbolan ay biglang bumukas ang mga ilaw na tatanglaw sa kadilimang sumasakop sa aking pagtingin. Nalilito pa din ako at nakukonsensyang ipakita ang aking pagmumukha sa kanya. Habang ang aking gunita ay nananatili sa kabanaagan katulad ng aking katawan na hindi makakilos.

            Ako ay napaharap sa taong tumawag sa aking pangalan – si Mikael, papalapit na tinatanggal ang kanyang kamiseta at niyaya na niya akong maglaro ng basketbol.

            Wala ni isa sa amin ang nais na magpatalo sa aming laro, kanya-kanyang agaw ng bola sa bawat isang mga kamay, mga padyak ng paa ang ginagawa sa isa’t-isa at tsaka sari-sariling hagis ng bola upang makamit ang simpleng puntos na aming ikawawagi. Naubos na ang hangin na aking hinihinga at pawis na aking inilalabas ngunit siya ay patuloy pa din na lumalaban.

            Napahiga na lamang ako sa gitna ng pulang tintang guhit na bilog sa sahig ng palaruan at nananatiling nakatingin sa kanyang huling pagtudla sa bola, napangiti na lamang ako at tinanggap ang pagkatalo dulot na walang kupas niyang husay sa paglalaro.

            Tumingala ako sa langit at tinignan ang mga talang kumikinang nang bigla niyang tinabi ang hubad niyang katawan sa akin, “Nakakatuwa ‘di ba?”

            “Oo, matagal na din nung huli tayo naglaro. Nakakamiss ka pala talaga.”

            Sandaling katahimikan ang bumalot sa aming dalawa, tanging tunog ng hangin na umiihip at mga sipol ng mga insekto lamang ang nangingibabaw sa aming dalawa. Walang nais sundan ang huli kong linya, walang nais sumira sa kapayapaang hatid ng katahimikan.

            Sa paglipas nang ilang sandali ay narinig ko ang mailang-ilang tunog na nagpaparinig ng kalungkutan at pagdurusa.

             “Bakit ka ba bumalik?” tanong niya.

            Isang tanong na alam ng aking isipan ang kasagutan ngunit hindi batid ng aking bibig kung paano nararapat itong bigyang pagtugon. Tumitig na lamang ako ng may maliit na agwa ng kirot at dalamhati sa kanyang mukhang nakatingala sa buwan na natatakpan ng mga ulap katulad ng pagkakaibigang natakpan na ng mga kulay na kailanman ay hindi ko maipipinta.

            Sabay sa ritmo ng kuliglig ang bawat kumpas ng tibok ng aking puso sa kaba higit pa lalo ng biglang dumako ang maamong niyang mukha paharap sa akin. Nagkasalubong ang aming mga mata na maski isa ay walang nagnais umalis sa sandaling kumprontasyong ito.

            “Alam kong hindi siya ang habol mo sa iyong muling pagdating,” daing niya kontra sa lamikmik ng kalikasan, “huwag mo na siyang idamay, mahal ko ang asawa ko yun lang ang masasabi ko.”

            Lalong nag-ingay ang kimbot ng aking damdamin sa aking mga narinig mula sa kanya, nalaglag ang aking panga sa pagkabigla sa kanyang mga binitawang salita na gumiba sa aking nararamdaman.

            Tumayo na siya mula sa kanyang pakakahiga at dinampot ang kamiseta saka sinabit sa kanyang balikat at tuluyan ng tumalikod papalayo sa aking kinalalagyan. Iniwan niya akong balisa at hindi makapagsalita dahil sa tuluyang pagkasira ng aking mga hangarin sa buhay.

            Nanatili pa din akong nakahiga nang tuluyan ng namatay ang mga ilaw na sumisinag sa aking mga mata kamakailan lamang ngunit nanatili pa din buo at puro sa aking balintataw ang mukha niyang pinuno ng mga hinagpis at sakit dulot ng karimlang bumalot sa puso niyang tanaw hanggang sa kalooban ng kanyang mga salita.

            Nakatayo ako sa ibaba ng rumaragasang agwa mula sa dutsa at aking namamalayan ang aking buhay na parang tubig na dumadaloy sa aking katawan patungo sa kasilyas na walang patutunguhan kung hindi ang karungisan katulad ng kanyang mga kahalitulad.

            Tumingin ako bigla sa salamin habang nakatungkod ang aking mga kamay sa lababo ng aking palikuran at nakita ko ang isang lalaking may palatandaan ng pagiging baligho. Isang lalaking nakikipagbakbakan sa isang huwad na pagmamahal na dulot ng desperasyon at pagkamakasarili.

            Tunay ngang tumatak sa aking isipan ang mga binitawang salita ni Mikael, mga salitang hindi ko dapat idamay ang taong wala namang kasalanan. Nababalisa ako at kinakabahan sa kung ano man ang maaring mangyari. Naawa ako sa kanya, pero paano na lang ako?

            Biglang lumabas ang aking luha kasabay ng aking pagbukas sa gripo ng hugasan, hindi ko kinaya ang mga konsensyang bumabalot sa aking isipan ngayon kaya ako ay bigla na lamang bumagsak at tuluyan na lamang humagulgol sa pag-iyak kagaya ng nasasayang na tubig mula sa gripong patuloy na tumutulo.

            Ilang araw din akong hindi nagpakita sa mag-asawa ngunit alam kong hindi pa din nila nakakaligtaan ang mga mga ginagawa ko sa bawat isa sa kanila. Nakakulong lang ako dito sa aking silid at umiiyak pa din at nababagabag kung dapat ko pa din pang ipagpatuloy ang pagwasak sa kanilang simpleng pagmamahalan.

            Sa katahimikan ng aking pagsasarili, ay naririnig ko ang mga yapak ng paa na patungo sa aking silid ngunit wala akong pakialam. Bumukas ang pintuan at nagulat ako sa taong dumating, si Shanaia.

            Sabay sa tunog ng makina ng aking bintilador, biglang niyang binungad sa akin ang mga salitang, “Buntis ako, Lucas. Anong gagawin natin?”

            Nasira ang buo kong diwa kakabit ng mabagal na pagbagsak ng bote ng alak sa sahig ng aking silid, hindi na ako nagsalita. Umiyak na lamang ako sa kanyang harapan at nagsisi.

            “Huwag mo akong iyakan, Lucas,” nanginig na paghihinging tugon sa akin ni Shanaia, “hindi pwedeng malaman ito ni Mikael, kasi baog siya. Baog siya Lucas, naiinitindihan mo ba ‘yun?”

            “Wala akong pakialam, patawarin mo ko kung nasira ko ang relasyon niyo,” sambit ko habang buong dusa akong nakatingin sa kanya, “napakasama ng ugali kong gamitin ka para sa pansarili kong kapakanan na kung tutusin hindi ka naman kasali talaga.”

            Makikita sa kanyang mukha ang kulay ng pagkabigla. Parehas na lamang kaming umiyak at nagdusa sa aking tirahan. Magkalayo man ang agwat naming dalawa sa loob ng aking silid ngunit walang kahit anong pagitan ang pagkakasalang buhat sa aking pag-iimbot.

            Umabot na sa dapit-hapon nang wala ni isa man sa amin ang nakaisip ng paraan kung paano lulusutan ang aming ginawang pagkakasala. Hinatid ko na siya sa labas ng aking bahay ngunit nabigla na lamang kami ng makita ko si Mikael na nakatayo sa tapat ng tarangkahan.

            Wala ni isa ang sumubok magbukas ng bibig at magsalita ng kahit ano. Napuno na lamang ng katahimikan ang buong paligid sa isang sandali ng aming pagtititigan ni Mikael, katahimikang nakakabingi, katahimikang walang halong kahulugan sa kahit sino pa man sa amin. Lumipas na ang mga madaming segundo ng walang pagbabago sa nakalipas na saglit ng dalisay na titigan. Napakasit. Napakahapdi. Mga tinging may bahid ng galit at pighati na sumusugat sa aking puso at kaluluwa.

            Nauna akong umiwas ng tingin na marahil senyales ng paghingi ng kapatawaran sa taong napakahalaga sa akin na higit pa sa aking sariling buhay. Tuluyan pang muli lumabas ng mga natitira ko pang luha kasabay ng paglabas ni Shanaia sa tarangkahan at ni Mikael sa aking buhay.

            Muli akong nagkulong sa aking kwarto hanggang umabot ang dako ng buwan sa kanyang tunay na trono sa kalangitan. Mag-isa akong nagdurusa, mag-isa akong nasasaktan.

            Ngayong gabi sa gitna ng malamig na buga ng bintilador at wagayway ng kurtinang dilaw, namamataan ko ang Liwasang Bayang nagpasimula sa mga motibasyon ko upang mabuhay ngunit mga gunitang nagpasimula sa bagay na maghahatid sa aking katapusan.

            Saksi ang buwan at mga talang nakadungaw sa bintana ng kalangitan sa mga ginawa ko upang mapasa-akin ang taong kailanman ay hinangad ko buong buhay dalawang dekada na ang nakakaraan. Mga bagay na tetestigo sa walang hanggang pagsisinta ko sa kanya hanggang sa aking huling hininga, ngunit sila din ang naging patunay sa katotohanang kailanman ay hindi siya mapapasaakin.
            Binuksan ko ang isang aparador sa gilid ng aking kama at kinuha ang isang bagay na tatapos sa lahat ng aking pagdurusa. Sapagkat alam ko na ilang saglit mula ngayon ay darating na ang taong huhusga sa aking pagkakasala. Siyang nilalang na kakanta ng mga ritmo ng awiting nilikha para sa mga taong makasalanan.
            Maliliit na tunog ng yapak ang bumabakas sa aking mga tainga at maitim na aninong sumasagi sa durungawan ng aking silid patungo sa hagdanan ng aming tirahan, ramdam ko na ang presensya ng benggansa mula sa kanya.
            Naisin ko mang makita sa huling pagkakataon ang kanyang mukha ngunit hindi ko maaaring hayaang siya ang magbigay nang huling hatol sa aming dalawa. Kailanma’y hindi ako papayag na dungisan niya ang kanyang sariling budhi ng tintura ng taong nagkasala dahil lamang sa makasariling pagmamahal. Sa huling sandali, naririnig ko ang pagbukas ng kandado ng aking pintuan. 
            Nakapikit akong ginugunita ang mga huling sandaling madadama ko ang hangin na nagbigay sa akin ng taimtim na pakiramdam at simula ngayon ay hindi ko na ididilat pa ang mga ito.


            “Mahal kita,” bigkas ko sa malimit na tinig na kaya ko, “isa, dalawa, tatlo.”